16/08/2026
Mula sa Bike na ₱6K, Hanggang sa Pangarap na Lumaki
Panahon ng pandemic, panahon ng takot, pangamba, at survival. Nawalan ng sakay sa barko, kaya kinailangan kong gumawa ng paraan para mabuhay at makatulong sa pamilya.
Sa halagang ₱6,000, ipinagbili ko ang aking bike, palugi, presyong kaibigan lang, at ginawa kong puhunan para makapagsimula ng isang maliit na negosyo: kapehan.
Mula sa maliit na benta, unti-unting lumago. Gigising ng madaling araw, magtatrabaho, at babalik sa hapon. Nakakapagod, pero sa panahong iyon, bawal sumuko. Dahil ang pandemic ay hindi lang laban para sa kalusugan, kundi laban din para sa kabuhayan at kinabukasan.
Maraming pagsubok, maraming pagkakamali, pero mas marami ang naging aral. Natutunan kong posible palang magsimula kahit maliit ang puhunan. Natutunan kong ang negosyo ay hindi agad tungkol sa malaking kita, kundi tungkol sa tiyaga, diskarte, pakikisama, at tapang na magsimula kahit hindi mo alam kung saan hahantong.
Sa maliit na kapehan, marami akong nakilala. Nagkaroon ako ng mga kaibigan, kakilala, at mga taong hindi ko inakalang magiging bahagi ng aking journey. Lumawak ang aking kaalaman at higit sa lahat, naging inspirasyon din ako sa mga katulad kong nangangarap magsimula ng sariling negosyo.
Ang lahat ng iyon ay naging bahagi ng isang magandang karanasan, mga aral na hindi matatawaran at mananatili habang-buhay.
At sa lahat ng pinagdaanan ko, may isang bagay na hindi kailanman nagbago:
Sa bawat pagkakataong parang gusto ko nang sumuko, may isang sandigan na hindi kailanman gumiba, ang SANLUMIKHA.
Dahil minsan, hindi kailangan ng malaking puhunan para makapagsimula. Kailangan mo lang ng tapang na subukan, tiyagang ipagpatuloy, at pananampalatayang hindi ka pababayaan.
Mula sa ₱6,000 na puhunan, naging daan ito para sa mas malaking pangarap.
Salamat sa lahat ng naging bahagi ng kwentong ito. Ang bawat tasa ng kape, bawat customer, bawat kaibigan, bawat pagsubok—lahat naging bahagi ng kwentong hinding-hindi ko makakalimutan. ☕❤️