10/02/2025
𝗕𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔 | 𝗕𝗖𝗡𝗦𝗛𝗦 𝗢𝘂𝘁𝗿𝗲𝗮𝗰𝗵 𝗣𝗿𝗼𝗴𝗿𝗮𝗺: 𝗞𝗼𝗺𝘂𝗻𝗶𝗱𝗮𝗱 𝗡𝗮𝗴𝘁𝘂𝘁𝘂𝗹𝘂𝗻𝗴𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗴𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗴 𝗦𝗮𝗯𝗼𝗻 𝗣𝗮𝗻𝗹𝗮𝗯𝗮
𝙄𝙨𝙞𝙣𝙪𝙡𝙖𝙩 𝙣𝙞 𝙉𝙞𝙘𝙖 𝙑𝙞𝙡𝙡𝙚𝙜𝙖𝙨
Inilunsad ng mga mag-aaral ng ika-9 na baitang mula sa Balanga City National Science High School (BCNSHS) ang kanilang outreach program na pinamagatang "An Outreach Program: Consumer Chemistry Cleaning Products" sa Barangay Puerto Rivas Lote, Balanga City, Bataan ngayong ika-5 ng Pebrero, taong kasalukuyan.
Naglalayon ang aktibidad na ito na turuan ang mga mamamayan mula sa Brgy. Puerto Rivas Lote kung paano gumawa ng kanilang sariling sabon panglaba at itampok ang mga benepisyo ng aktibidad na ito.
Kasama ng mga ika-9 na baitang sa programa ang kanilang mga g**o na sina Gng. Jaira Baluyot, Bb. Lorena Panganiban, Bb. Catherine Sanchez, at G. Jerome Gonez.
“Ang goal ay to bridge the gap between academic knowledge and community engagement by teaching local residents about the chemistry behind commonly used cleaning products. Para sa mga students na ma-apply yung understanding nila of chemistry and in a way to foster a sense of social responsibility na mag-share ng nalalaman at iba pang resources. Though hindi ito limited sa pagbibigay lang. I would like to highlight na binigyan din natin sila ng way para magkaroon,” ani ni Gonez, g**o sa asignaturang Consumer Chemistry.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang maikling panalangin na pinangunahan ni James Samuel Uy, isang estudyante mula sa pangkat Del Mundo at sinundan ng isang panimulang pagbati mula sa kapitan ng Lote na si Ricardo Sioson at isang inspirasyonal na mensahe mula kay Mary Vi Dela Cruz, OIC Chairperson ng BCNSHS.
Pagkatapos ng mga panimulang pagbati, nagsimula na ang presentasyon ng pangkat Del Mundo patungkol sa dishwashing liquid, sinundan ng pangkat Orosa tungkol sa detergent powder, at ng pangkat Sylianco na tinalakay ang detergent liquid.
Sa katapusan ng bawat presentasyon ng mga pangkat ay ipinakita nila ang mga hakbang sa paggawa kasama ang mga madla at ipinamigay ang mga naging produkto sa bawat mamamayan.
Mayroong naging iba't ibang pakulo ang mga pangkat upang bigyang kasiyahan ang mga madla tulad ng zumba dance mula sa Del Mundo, raffle mula sa Orosa, at isang maikling pagtatanghal mula sa Sylianco, ang programa ay nagsimula ng alas-8 ng umaga at natapos ng alas-12 ng tanghali.
“I felt happy and fulfilled kasi the experience was very informative as we learned how to make and properly utilize the benefits ng mga soaps and detergents na commonly ginagamit sa ating household. The experience was overall masaya not only because we were able to create these products pero nabahagi rin namin ang aming kaalaman para makatulong sa iba pa,” wika ni Bella Tibayan, isang mag-aaral mula sa pangkat Del Mundo.
Bilang pagtatapos, nagpasalamat si Gonez sa mga dumalo at nagbahagi ng isang pangwakas na mensahe, ang programa ay nagwakas sa isang grupong larawan bilang simbolo ng pagkakaisa at tagumpay ng isinagawang outreach program.
“Masasabi kong successful ang naging outreach program na ginanap dito sa brgy ng Lote. Nakapagdagdag ng kaalaman sa mga mamamayan ng lote, sa simpleng paraaan kayang-kaya ng bawat isa na makagawa ng mura, matipid, at kapaki-pakinabang na paraan ng pagsasagawa ng mga dishwashing, powder soap, at fabcon. Job well done and salute to the BCNSHS teachers and students,” saad ni Sioson, ukol sa mga naging kaganapan.
---